Wednesday, April 16, 2008

Oprah napabilib ni Charice!

SHOWBIZ MISMO Ni Cristy Fermin


Nagkabiglaan kami nung Lunes nang hapon sa Showbiz Mismo sa DZMM. Ang una naming panauhin ay si Maegan Aguilar, may bagong album na ipino-promote ang anak ni Ka Freddie, pagkatapos ng aming kuwentuhan sa ere ay nag-break ang programa para sa Three O’Clock Prayer.

Habang nasa lobby kami ng ABS-CBN ay pumarada ang van ni Charice Pempengco, tulad nang dati ay dumaan muna siya sa amin, nagbeso at nakipagkuwentuhan sandali.

Bago siya umakyat sa opisina ng Star Records ay sinabihan namin siya, kung meron pa siyang libreng oras ay dumaan sana siya sa aming programa ng kaibigang Jobert Sucaldito plus Wendell Alvarez, dahil maraming tagahanga niya ang bumabati sa kanyang tagumpay sa 2366.

Tumupad sa kanyang sinabi si Charice, maya-maya lang ay nandun na siya sa DZMM, kasama niyang dumating ang kanyang ina na napanood naming umiiyak habang kumakanta si Charice sa The Ellen Degeneres Show sa Amerika ilang buwan na ang nakararaan.

Pagkatapos niyang pahangain ang mga Amerikano ay sa Europe naman siya nagkalat ng kanyang talento sa pagkanta, gano’n din ang nangyari kay Charice, binigyan din siya ng standing ovation dun.

At ang pinakahuli, bumalik sila sa Amerika ng kanyang mommy dahil sa imbitasyon sa kanya ng sikat na si Oprah Winfrey, mga kabataang sikat sa iba’t ibang bansa ang paksa ng episode nun at si Charice ang kinatawan ng Pilipinas.

Masayang-masaya si Charice sa ginanap na taping sa show ni Oprah. Sino ba naman ang hindi magiging maligaya sa kaganapang yun, samantalang kasunod ng linyang “I want to see snow” na sinasabi ng mga gustong makarating sa Amerika ang linyang “I want to see Oprah Winfrey?”

Masayang ikinuwento sa amin ni Charice na pagkatapos niyang kumanta ay niyakap siya nang mahigpit ng sikat na talk show host, proud na proud daw siya, dahil hindi niya inaasahang makikita niya na nang personal si Ms. Oprah ay makapagge-guest pa pala siya sa show ng talk show host na gustong makaharap ng lahat ng sikat na artista at singers sa buong mundo.

Ipinagbilin daw ni Oprah sa kanyang staff na huwag sasabihin ng mga ito sa kanya kung ano ang gagawin ni Charice, “Gusto raw po niyang siya mismo ang magtanong sa akin kung ano ang gagawin ko,” kuwento pa rin ng dalagita.

* * *

Isang back-up sound system lang ang ipinahanda ng aming executive producer na si J.R. Antonio sa aming technician na si Kuya Cesar Atienza, nagkangaragan sila nina Rey Aganon at Henry Lopez, dahil pumayag mag-mini-concert si Charice sa aming programa nang walang kagatul-gatol.

Wala siyang hininging kahit ano, wala siyang kaarte-arte, ang magagaling talagang singers na may matinding kumpiyansa sa kanilang kakayahan ay kayang kumanta kahit sa lata lang ang mikropono.

Pero mapagkakati­walaan ang aming technical staff, marami nang grupong nagdya-jamming sa aming programa (Side A Band, Freestyle, Banyuhay at marami pang ibang banda) at isa lang ang sinasabi ng mga ito, de-kalidad ang tunog ng aming sound system sa DZMM.

Buong kasiyahang kumanta nang kumanta si Charice na parang wala nang bukas pa, napakapino at napakakinis ng kanyang boses, buong-buo ang kanyang kumpiyansa.

Pinagmamasdan namin ang kanyang ina habang kumakanta ang dalagita, walang-wala na itong nerbiyos. “Kaya lang naman ako napaiyak nung mag-guest siya kay Ms. Ellen Degeneres, e, masyado akong na-touch nung bigyan siya ng standing ovation.

“Naalala ko lang yung mga panahong kumakanta-kanta siya sa mga amateur contests, naaalala ko lang ang mga pinagdaanan naming mag-ina at ng lola niya,”
kwento sa amin ng mommy ni Charice.

Ngayong Mayo na mapapanood sa Pilipinas ang guesting niya sa show ni Oprah Winfrey, maraming nangangarap na mabigyan ng panahon sa sikat na talk show, pero si Charice Pempengco ang pinalad na makagawa nun.

Isang malaking karangalan sa mundo ng musika si Charice Pempengco, maipagmamalaki natin siya bilang kababayan, napakalayo pa ng mararating ng batang singer na ito.

No comments: